RESOURCES OF FAITH
Emmanuel: Kasama natin ang Diyos
Rev. Fr. Andrei Paz, SSC
Napaisip minsan ang isang bata kung bakit ang mukha ni Jose Rizal, ang ating pambansang bayani, ay nasa piso lang? Siya ang kinikilalang pinakadakila sa lahat ng mga bayaning Pilipino, pero bakit sa maliit na halaga lang inilagay ang kanyang larawan. Hindi sa mas malaking halaga ng pera tulad ng isang libo o limandaan piso. Bakit sa barya lang, at di hamak na mas maganda at mas kitang-kita ang mukha ng pambansang bayani natin kung ito’y inimprenta sa mga perang papel. Kaya dala ng kanyang pagtataka, ito’y kanyang itinanong sa kanyang guro. — At ang sabi ng kanyang guro, kaya inilagay ang mukha ng ating pambansang bayani sa piso dahil lahat ay maaaring magkaroon ng piso. Mapa-mayaman o mahirap, madaling makaroon ng piso. At dahil dito, mas lalo nating nakikilala si Jose Rizal.
Tayong lahat ay madaling magkaroon ng piso. Marahil halos karamihan sa atin ay may nakabulsang piso. Sapagkat madali itong makuha. Madali itong makamit. Ganun din ang pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig at grasyang kaloob ni Hesus ay madali rin niyang ipinagkakaloob at ipinakakamit sa atin. Kung kaya’t ang Diyos ay nagkatawang-tao upang atin siyang makapiling, upang lagi siyang nasa atin, upang ang pag-ibig niya’y mas malinaw at mas ramdam natin.
Ang Diyos ay nagkatawang tao. At katulad natin, siya ay natutong maglakad, nadapa, nasugatan, natakot, naghanap-buhay, nagsumikap, nahirapan, nagdiwang. Siya ay katulad natin liban lang sa kasalanan. Lubos siyang nagpakumbaba at nakipamayani sa atin. Hindi siya nagdalawang isip na samahan tayo.
At sinasabi ng ating mga pagbasa ngayong Linggong ito na "maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki, at tatawagin itong Emmanuel, na ang kahuluga’y ‘kasama natin ang Diyos’.” Ito ay patunay na nais makiisa ng Diyos sa atin. Nais niyang manahan sa atin, upang maipadama niya ang kanyang nag-uumapaw na pag-ibig para sa lahat. Sa kabila ng ating kahinaan at kasalanan, nakikiisa ang Diyos, sinasamahan niya tayo lalung-lalo na sa panahon ng hirap at dusa kung saan siya ang ating nagiging lakas at tanggulan.
Ang Diyos ay kasama natin. Sa kabila ng ating mga kahinaan, karupukan at pagiging makasalanan, pinili niyang tayong kanyang makapiling. Ngunit kung minsan, nakakalungkot isipin na may mga pagkakataon na labag sa kalooban nating tayo’y napapasama o nakiki-halubilo sa mga mahihina, madudungis,o makasalanan. Marahil dahil gusto natin na VIP tayo, at kailangang espesyal ang pagtrato sa atin. Ang iba sa ati’y mas ninanais na mapasama sa mga rich and famous, sa mga kilala at makapangyarihan. Ngunit kung ito ang ating magiging mithiin, hindi natin magagawang maglingkod at umibig tulad ng paglilingkod at pagmamahal na ipinakita ni Hesus sa atin. Si Hesus, bagamat Diyos na nasa langit, kung saan walang hirap at lungkot, bagkus perpektong kasiyahan sa piling ng Ama, ay niloob niyang magkatawang-tao upang makipamayani sa atin sa mundo kung saan dito’y tigib ng dusa’t pasakit. Totoong sobra-sobra ang kanyang pagmamahal sa atin. Ang pag-ibig niya ay para bagang katulad ng nasa liriko ng isang awitin: “Kahit na ilang tinik ay kaya kong tapakan kung iyan ang paraan upang landas mo’y masundan; kahit ilang ulit ako’y iyong saktan, hindi kita maaring iwanan.”
Ang Diyos ay kasama natin. Nakikita natin na ang gawain ni Hesus ay makiisa sa kabila ng dusa’t pangamba. Hindi siya iba sa atin. Ang kaniyang nais ay samahan niya tayo. At ito’y makikita natin sa kanyang buhay. Si Hesus noong siya’y nakipamuhay sa atin ay walang-sawang nagkaloob ng malasakit sa pamamagitan ng kanyang pagkalinga at pag-aruga sa mga may sakit at mahihina. Siya’y nagpadama ng pagmamahal sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod sa lahat. At ito’y kanyang ipinakita hanggang sa kanyang kamatayan. Sa kanyang pagkakatawang-tao at sa kanyang kamatayan sa krus ipinakita ng Diyos na siya’y lubos na nakiisa sa atin. Itinulot niyang siya’y maging ating alay at tagapag-alay upang tayo’y maligtas at mabigyan ng buhay na walang hanggan. Sa pag-aalay ng Diyos ng kanyang buhay, kanyang higit na ipinadama at ipinakitang madaling makamit ang kanyang pagmamahal -- pagmamahal na walang hinihinging kapalit; pagmamahal na kaloob niya para sa lahat.
Ang Diyos ay kasama natin. Ang buong buhay ni Hesus ay daan ng pakikiisa at pagdamay sa aba’t dukha, sa mga inaapi at sa mga nasa laylayan ng lipunan. Tunay siyang Emmanuel. Kung kaya’t magandang ating sariwain at pagnilayan kung papaanong nagpakumbaba ang Diyos para lamang abutin tayong mga nawawala, tinalikdan at makasalanan. Harinawa, tayo rin ay makiisa sa kanyang buhay-pagmamahal na handang magmalasakit, mag-aruga, maglingkod at magkalinga sa mga lubos na nangangailangan sa ating lipunan.
Tayo nawa ay maging buhay na saksi ng pagkakatawang-tao ni Hesus sa pamamagitan ng ating pagtulad sa kanya. At tulad ng winika ni Santa Teresa ng Avila, “Christ has no body now, but yours. No hands, no feet on earth, but yours. Yours are the eyes through which Christ looks compassion into the world. Yours are the feet with which Christ walks to do good. Yours are the hands with which Christ blesses the world.” Tayo ang katawan ni Kristo. Tayo ang kanyang kamay at paa. Tayo ang kanyang tainga’t mata. Sa atin dumadaloy ang kanyang habag, awa, pag-ibig at pagpapala.
Kaya upang tayo’y lubos na handa sa pagdating ng Panginoon, tayo nawa ay maging buhay na patunay ng Emmanuel, na nasa atin ang Diyos. Ipakita at ipadama natin na sa pamamagitan ng ating pagmamahalan at paglilingkod sa isa’t isa ay madaling makamit ang pag-ibig na kaloob ng Diyos para sa lahat. At sa pamamagitan natin, mas lalong nakikilala si Hesus na ating Tagapagligtas.
We’d like to hear your thoughts about this article. Please let us know what you think. Thank you.
Resources of Faith
© Malate Catholic Church
All rights reserved.